Jun 10, 2005

Literatura muna tayo

The following post have languages, imaginary scenes and statements that may not be suitable for young minds. Parental guidance is adviced.



"Hektor Malasakit Jr."

isang maikling kwento ni Greenmangoes

Limang senador, Labing-walong "honorable" congressmen, walong mayor at labing-limang councilor ang akin ng napatay. hindi pa dito kasama ang mga tanod, kapitan at mga empleyado ng gobyerno. simple lang ang aking gustong marating.. ang mag sakripisyo ng buhay para sa bayan. ang paslangin ang mga nang aapi. sa unang tingin ay parang isa lang akong karakter sa pelikula ni FPJ at Lito Lapid. ngunit ang kaibahan ay may nababago sila sa tadhana ng mamamayan. napapatay nila ang may mga sala at sa bandang huli ay hindi sila makukulong. bagkus, ipagdidiwang pa ng buong barrio ang nangyari at tatanghaling "Saviour" ang bida. iisang paksa lang iikot ang istorya ko na may halintulad sa mga pelikulang aksyon.. paghihiganti. haaayy.. ang pelikula nga naman...

tulad ng ibang tao, may mga kaibigan, magulang at sariling pamilya ang aking mga pinaslang. nalulungkot din sila at naghahanap ng katarungan sa pagkamatay ng "minamahal" nila. at tulad din nila, may mga taong itinuring ko na ring kapamilya at kaibigan. sila yung mga nakikita nating taong nasa lansangan ngayon. ang mga namamalimos, mga batang umaakyat sa mga pampublikong sasakyang minsa'y pinupunasan ng basahan ang mga sapatos natin, ang mga nagbebenta ng aliw para magka pera at maitawid-gutom ang mga anak nila, ang mga karaniwang magsasaka at magniyo-niyog, mga estudyanteng halos araw-araw na nasa lansangang magwelga at lumalaban para sa ngalan ng edukasyon, ang mga ama at ina na nagpapaka alipin sa ibang bayan, at ang mga karaniwang taong hangad lamang ay ang magkaroon ng trabahong maayos magpasahod at mamuhay ng tahimik. isa ka ba dito? para sa'yo ang ipinaglalaban ko.

Lason. oo, Lason ang ginagamit kong medium para pumatay. inilalagay ko ang Lason sa kanilang pagkain o inumin at pagkatapos ng isang linggo- instant heart attack. simple at walang ebidensya. death by natural causes. para maiwasan ang pagkakapareho ng aksidente sa bawat biktima, itinutugma ko ito sa kani-kanilang iskedyul sa buong buwan. pag aaralan ang kilos, ang galaw, ang lahat-lahat. mahalaga sa isang pusakal ang buong detalye ng bibiktimahin. ang timbang ng isang biktima ang isa pa sa pinakamahalaga. dito ko isinusukat ang dami ng lason na kakailanganin. hindi puwede ang magmadali. "patience is a virtue" ika nga ng nakararami. sa lahat ng nabiktima ko, iisa ang kahinaan... pera. talaga nga namang nakakapag pabago ng buhay at prensipyo ang pera. amoy pa lang nito'y nakaka-adik na. ang pera nga naman...

ganid at tiwaling opisyal ng gobyerno. ito ang dalawang katangiang hinahanap ko para mapabilang sa "hitlist". ang mga ganitong uri ng tao ay hindi na dapat kinaawaan. tikman nila ang impyerno ng bayang kanilang pinagsisilbihan.

malala na ang sakit ng Pilipinas. sa mga simpleng lugar mo lang matatamasa ang lupit ng sakit ng bansa natin.

Lisensyado akong doktor. pero bago ko narating ang kinatatayuan ko ngayon, nabiktima na muna ako ng mga hayup sa mga simpleng ahensya ng gobyerno. simple lang din ang problema ko pero naging kumplikado...

maaga akong nasa ahensya nila para kumuha ng mga mahahalagang dokumento. ito'y mga dokumentong "kailangan" upang mabigyan na ako ng lisensya sa kabilang ahensya. pagkatapos nilang mag "flag ceremony" magsisipasukan na ang lahat para pagsilbihan ang bayan. mali. imbes na harapin kami, heto ang mga empleyado natin, nag-chichismisan tungkol sa asawa ni ganito at ganyan, magtitimpla ng kape at babalik ulit sa chismisan. ang alas-otso ay naging alas onse, ang alas onse ay naging alas tres. nakuha pa ng mga hayup na mag mirienda bago tapusin ang trabaho. babalik ng opisina pagkatapos ng mirienda sa oras na ng uwian. ang sagot sa'kin.. "bumalik ka na lang bukas, iho!" ang isang buong araw mo ay nasayang lang. mabuti pa't nanood na lang ako ng "Kristy per minute". walang kuwentang sekta ng gobyerno. bulok at inutil. paglabas ko ng opisina nakita ko ang kasabay ko sa pila, naka ngiti at may kasama... fixer. ayus! wala na siyang problema. abot langit ang pagbati sakin.. "oh ikaw, pare?? tapos ka na? sabi ko naman sa'yo mas ok 'to e.." ipinagpatuloy ko na lang ang paglalakad at hindi na lang ako umimik. may araw din kayo.

...

"get up stand up, stand up for your right." habang nakikinig ako ng Bob Marley, nililinisan ko ngayon ang bagong bili kong baril- "sniper". papaslang nanaman ako. pero big time ngayon... ang target- ang presidente. pagkatapos kong gawin ang misyon ko, siguro naman luluwag na ang paghinga ng mga tao. kapansin pansing ayaw na nila sa kanya. imbes na mag welga sila at mag people power part 100, ako na lang ang gagawa. hindi na kailangan ng pulis na mag batuta't manakit. walang masasaktan at walang dugong dadanak sa kalsada. masasayang lang ang araw nilang ipahayag ang gusto nilang maiparating. hindi naman nila kayo pakikinggan. dalawang tao lang ang mamamatay mamaya. ako at ang presidente. tipid.

pagkatapos kong maglinis ng baril. umupo muna ako sa balkonahe. magmasid-masid at magpapahangin. hindi ko lubos maisip na ito na ang huling sariwang hanging dadampi sa mukha ko. inisa-isa ko ang lahat ng bahay na nakapaligid sa'kin. ang mga tao'y patuloy lang sa mga ginagawa nila. may mga naglalaba, nagsusugal, tambay at ang iba'y abalang-abala sa kani-kanilang tahanan para manood ng teleserye. may nagbago ba? madami-daming matataas na opsiyal na rin ang pinagkait kong mabuhay. hindi pa kaya sapat yun para makita kong magkaroon ng masustansyang pagkain ang bawat hapagkainan ng bawat pamilya? maitutuwid ko ba ng isang pagkakamali ang isa pang mali? ano ang mga karapatan na kailangan ko pang ipaglaban?

...

at sa pag muni-muni ni hektor ay napansin niya ang isang lalaking napahinto na lang sa tapat ng isang maliit na tindahan sa tapat ng bahay niya. inobserbahan ito ni Hektor habang umiinom ng softdrinks na nasa plastik at tinapay na nakapaloob sa isang lalagyang yari sa papel. sa ayos at postura ng lalake ay may edad na itong nasa apatnapu, pamilyado at pagod na galing sa trabaho. nang natapos kumain ay naghanap ito ng basurahan sa paligid. At ng walang mahanap ay ibinulsa na lamang ang kalat at saka naglakad paalis ng tindahan.

Malasakit. yan ang gamot. Meron ka ba? Pabili naman... para sa bayan naman e.
...
NEWS FLASH!!! Isang lalaking natagpuang patay sa kaniyang kuwarto dakong ala-sais na kaninang umaga. nakilala ang bangkay na si...
...

"HEKTOR, My son, please turn off the computer now. finish that later ok? kumain ka na muna!"

"opo, mama. "

-----------
Si Hektor Malasakit Jr. ay isa lamang karakter... uhmm.. "ilusyong" karakter ng may akda na nasobrahan sa pag basa ng libro ni Bob Ong at kakanood ng samurai x marathon sa studio23 tuwing Lunes, Mierkules at Biyernes. Alas-dos ng hapon.

we dont have to be a member of KMU, FEJODAP or any union to be able to do a story like this... you only have to be a Filipino.